Secretary of Finance
June 20, 2025
Kaamulan Theatre, Malaybalay City, Bukidnon
Governor Neil Roque; Mayor Jay Warren Pabillaran; LANDBANK President and CEO Lynette V. Ortiz; Department of Agriculture Usec Roger V. Navarro; mga kapwa ko manggagawa sa gobyerno; At higit sa lahat, sa mga masisipag nating magsasaka at mangingisda ng Bukidnon, magandang tanghali po sa inyong lahat.
Una sa lahat, pasensiya na po at hindi ako makakapunta ng personal diyan sa inyo sa Bukidnon.
Pero kahit wala ako riyan ngayon, ang puso ko po ay nasa inyo pa rin. At ngayong araw, dala namin ang programa, suporta, at konkretong tulong — para sa inyo pong mga tunay na haligi ng agrikultura.
Ngayon, baka nagtataka kayo — “O, bakit nandito si Recto? Hindi na ba senador ’to?”
Ngayon, ako po ay nagsisilbi sa taumbayan bilang Kalihim ng Department of Finance. At may bonus po ito, ako rin po ngayon ang Chairman ng LANDBANK.
Ibig sabihin, trabaho ko sa LANDBANK na siguraduhin na ang bangko ng gobyerno ay para sa lahat—hindi lang sa malalaking negosyo, kundi lalo na sa inyo pong mga magsasaka at mangingisda na araw-araw ay bumubuhay sa ating hapag-kainan.
Kung dati, trabaho ko ang makipag-debate sa Senado tungkol sa budget—ngayon, ako na ang naghahanap ng pondo para sa mga programang talagang may pakinabang para sa tao.
At sa Department of Finance, iisa lang po ang layunin namin: siguraduhin na bawat pisong kinikita ng gobyerno ay makakatulong sa pag-angat ng buhay ng bawat Pilipino.
At iyan mismo ang dahilan kung bakit narito ang AGRISENSO Plus.
Ang programang ito ng LANDBANK at ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr. ay isang konkreto at inklusibong sagot sa matagal niyo nang panawagan na tulong pinansyal.
Ito ay programang may malasakit—at may malinaw na pangarap na gawing abot-kamay ang pag-asenso ng bawat magsasaka at mangingisda.
Bakit nga ba natin ito tinawag na AGRISENSO Plus? Simple lang po.
Dahil sa agrikultura, hindi sapat na may puhunan ka lang. Kailangan din ng talino, diskarte, at tamang suporta para talaga tayong umasenso.
At dito, sinisiguro ng LANDBANK na mas madali, mas mabilis, at mas makatao na ang pagkuha ng kapital.
At kaya may Plus, dahil sa halip na utang na walang kawala, ito ay tulong pinansyal na may kasamang insurance, training, market access, at mababang interes.
Isipin n’yo po ito: apat na porsyento lang ang interes—at may libreng life insurance pa. Ibig sabihin, kung nanghiram ka ng isandaang piso, wala pa sa limang piso ang interest.
At para mas tumibay pa, may kasama rin itong ASCEND Program—isang libreng training program kung saan tuturuan kayo paano magplano ng negosyo, gumamit ng digital tools, at palaguin ang ani gamit ang makabagong kaalaman.
Kasi alam natin, minsan hindi sapat ang sipag. Kahit magtanim ka ng pawis, kung walang kaalaman at diskarte, mahina ang ani.
At hindi po ito pangako pa lang, bitbit din namin ngayon ang resulta. Libu-libong buhay na po ang natulungan at nabago ng programang ito, kasama ang iba pang mga proyekto ng LANDBANK.
Higit sa isang bilyong piso na po ang ating nailabas na kapital dahil sa AGRISENSO. At mahigit na anim na libong magsasaka na ang nakinabang dito sa loob lamang ng anim na buwan. Katumbas po nito ang mahigit dalawampu’t isang libong ektarya ng lupain na napondohan.
At tina-target ng LANDBANK na mabigyan ng access ang sampung libong bagong benepisyaryo ngayong taon— at kayo po sa Bukidnon ang unang una dito sa Mindanao.
Kaya, patuloy lang po tayong mangarap, magplano, at magtrabaho. At makakaasa po kayo na mayroon kayong gobyerno na handang tulungan kayong tuparin ang mga ito—hindi para magpapicture lang, kundi para tiyaking may bunga ang bawat pagsisikap ninyo.
Ito po malinaw na utos ni President Bongbong Marcos, Jr.: Siguraduhin na ang Bagong Pilipinas ay hindi lang dapat maramdaman sa mga expressway o subway. Dapat may Bagong Pilipinas din sa palayan, sa sakahan, sa tabing-ilog.
At ito po ang patuloy nating tinatrabaho. Taon-taon, sinisiguro naming may sapat na pondo ang LANDBANK—para sa inyo.
Dahil hindi na lang po Metro Manila ang sentro ng progreso. Dito po sa Bukidnon, dito sa puso ng Mindanao — damay kayo sa asenso.
Maraming salamat po sa inyong lahat, sa araw-araw na sipag at tiyaga. Mabuhay kayo! Mabuhay ang Bagong Pilipinas!