Secretary of Finance
September 8, 2025
Secretary Bienvenido E. Laguesma; SSS President and Chief Executive Officer Robert Joseph Montes De Claro; Our friends in the SSS; Our dear members and pensioners:
Magandang araw po sa inyong lahat at isang maligayang Pensioners’ Week po sa ating mga haligi ng lipunan.
Nandito po tayo ngayon para magbigay-pugay at pasasalamat sa mga taong buong buhay na nagsakripisyo at nagsumikap para sa mas maayos na kinabukasan ng kanilang pamilya, at ng buong sambayanang Pilipino.
At hindi lang po pagbati ang dala namin ngayon. May hatid din kaming magandang balita para sa inyong lahat.
Una, simula ngayong buwan, madadagdagan na po ang inyong pensyon dahil sa SSS Pension Reform Program.
Isa itong reporma na isinulong mismo ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr. para magbigay ng dagdag ginhawa sa bawat pensioner.
Ito po ay aming tulong para mas makapaglaan kayo para sa inyong pang-araw-araw na pangangailangan at sa inyong mga mahal sa buhay. At syempre, pwede ring pang-enjoy o pang-shopping para sa sarili.
At para siguradong mas madali at mas mabilis ninyong matatanggap ang ang bagong increase, hatid rin namin ang MySSS Card.
Hindi ito isang ordinaryong card lamang. Ito’y ID na, ATM pa. Isang swipe mo lang, marami nang pakinabang.
Gamit po ito, diretso at mabilis nang makukuha ng mga SSS members ang kanilang benefits, loans, at pensyon.
Magagamit niyo rin po ito sa pamimili, pagbabayad ng pamasahe, at pang araw-araw na gastusin.
At may bonus pa! Kasama ring ilulunsad ng ating Pangulo ang Alagang SSS Discount Card para sa lahat ng members na 60 years old pataas. Dala nito ay mga special discounts para sa inyong mga gamot, vitamins, at iba pang pang maintenance.
Ang mga programang ito ang patunay ng totoong serbisyong publiko: Hindi dagdag abala, kundi dagdag ginhawa.
Hindi lumang sistema, kundi makabagong solusyon.
Hindi mabagal na proseso, kundi mabilis na aksyon.
Lahat ng ito ay ginagawa natin para masigurong may dagdag saya at dagdag ginhawa ang bawat manggagawang Pilipino. Dahil sabi nga ng ating Pangulo, you deserve nothing but our love, our care, and our protection.
Maraming salamat sa ating buong SSS team sa kanilang sipag at dedikasyon sa pagbuo ng mga programang ito.
At higit sa lahat, maraming salamat po sa inyo—mga pensioners na patuloy na nagsisilbing inspirasyon sa amin.
Mabuhay po kayong lahat! Mabuhay ang Bagong Pilipinas!