Pinuri ng Department of Finance (DOF) ang desisyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ibalik ang PHP 60-bilyong subsidiyang hindi nagamit noon ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), na siyang ipinasauli sa National Treasury alinsunod sa kautusang nakalakip sa General Appropriations Act of 2024.
Kinukumpirma ng DOF na nagpadala ito sa Pangulo ng isang solicited opinion kung saan sinabi nitong dahil sa pagbuti ng revenue performance ng PhilHealth, lubos nitong inirekomenda ang pagbabalik ng nasabing PHP 60 bilyon upang palawakin pa ang mga benepisyo at serbisyo ng ahensiya.
Naging rason din sa desisyon ang pagkakaroon ng karagdagang pondo mula sa desisyon ng Pangulo na itigil at suspindihin ang ilang ma-anomalyang flood control projects.
Partikular na pupunan ng dagdag-pondong ito ang gastusin sa Zero Balance Billing program ng gobyerno, paliwanag ng DOF.
“Magagamit itong karagdagang pondo sa pagpapalawak ng serbisyo sa sektor ng kalusugan,” sabi ng DOF.
Ikinatutuwa rin ng DOF na imbis na sa mga gastusing walang saysay, mapupunta ang nasabing pondo sa mga hospital ward ng gobyerno.
Sa Ilalim ng 2024 GAA, inatasan ng Kongreso ang DOF na walisin ang mga nakatengga at hindi nagagamit na fund balances ng government-owned and controlled corporations (GOCCs) upang pondohan ang napakahalagang proyekto ng pamahalaan.
Bago isinagawa ang pagkolektang ito, nagbigay ng pahintulot sa DOF ang Office of the Solicitor General (OSG), Office of the Government Corporate Counsel (OGCC), Governance Commission for GOCCs (GCG), at Commission on Audit (COA).
Sa PHP 60 bilyong na-remit ng PhilHealth, malaking bahagi nito, o PHP 27.45 bilyon, ang ginamit pambayad sa Health Emergency Allowances ng mga COVID-19 frontliners.
Ilan pa sa mga napondohan ay ang Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (PHP 10 bilyon); pagbili ng iba’t ibang kagamitang medikal para sa mga ospital ng Department of Health (DOH) at local government units (LGUs), at primary care facilities (PHP 4.10 bilyon). Pinondohan din nito ang tatlong pasilidad ng DOH (PHP 3.37 bilyon) at ang Health Facilities Enhancement Program (PHP 1.69 bilyon).
Ang natira, o humigit-kumulang PHP 13 bilyon, ay ginamit bilang government counterpart financing para sa mga foreign-assisted infrastructure at mga proyektong “social determinants for health.” Layunin nitong pabilisin ang paghahatid ng serbisyong pangkalusugan sa mga liblib na lugar at paunlarin ang kalusugan at kabuhayan ng mga Pilipino sa pamamagitan ng food security.
Naging mitsa ang pagsunod ng DOF sa kautusan ng Kongreso upang maudyok ang PhilHealth na palawakin nito ang kanilang mga benepisyo.
Bunga ng pinagsanib na pagbabago sa sistema at liderato ng PhilHealth ang malakihang pagpapabuti sa mga serbisyo nito para sa mga mamayanang Pilipino.
Tumaas ang package rate para sa mga pasyenteng may breast cancer mula PHP 100,000 tungo sa PHP 1.4 milyon, o pagtaas na 1,300%.
Ginawang na ring libre ang dialysis sessions at mga gamot para sa buong taon.
Tumaas rin ng halog apat na beses ang ceiling ng peritoneal dialysis treatment mula PHP 270,000 tungo sa PHP 1,269,000.
Maaari na ring ma-reimburse ng hanggang PHP 2,100,000 ang gastos para sa kidney transplant, mula sa dating PHP 600,000.
Para naman sa post-kidney transplant care ng mga batang pasyente, tumaas ang benepisyo hanggang PHP 1,765,130 sa unang taon at hanggang PHP 810,732 sa sumunod na taon.
Tumaas din sa PHP 47,000 ang sagot ng PhilHealth sa pagpapa-ospital dahil sa malalang dengue mula sa PHP 16,000, habang tumaas ng PHP 187,100 o hanggang 826.238% ang benepisyo para sa mga pasyenteng may katarata, mula PHP 20,200.
Sakop na rin ng state health insurer ang therapy, rehabilitation sessions, at assistive mobility devices para sa mga persons with disability hanggang PHP 40,000.
Upang tugunan ang problema sa paningin at malnutrisyon, sakop na rin ng PhilHealth ang optometric services para sa mga batang hanggang 15 taong gulang (PHP 2,500), gayundin ang therapeutic care para sa severe acute malnutrition ng mga batang 60 buwan pababa (PHP 7,500 hanggang PHP 17,000).
Kasama rin sa pinalawak na benepisyo ng PhilHealth ang mga open-heart surgeries. Itinaas na sa PHP 614,000 (mula PHP 250,000) ang benepisyo para sa ventricular septal defect, gayundin ang total correction ng tetralogy of fallot (PHP 614,000 mula PHP 320,000) at coronary artery bypass graft surgery (hanggang PHP 960,000 mula PHP 550,000).
Itinaas din ang benepisyo para sa Heart Valve Repair at/o Replacement para sa Valvular Heart Diseases ng mga bata at matatanda hanggang PHP 816,500 at PHP 825,000.
Nadagdagan rin ang inpatient benefits para sa neonatal sepsis (PHP 25,793 mula PHP 11,700), bronchial asthma (PHP 22,488 mula PHP 9,000), ischemic heart disease (PHP 523,853 mula PHP 21,900), at COVID-19 (PHP 55,000 mula PHP 43,997).
Kasama na rin ngayon sa mga sakop ng PhilHealth ang preventive oral care health services sa primary care na may benepisyong mula PHP 200 hanggang PHP 1,500 kada ngipin o kada bisita.